Setyembre 9, 2009:
Ngayon ay isang typical, boring day sa opisina, dahil iisang email lang ang natanggap ko na naglalaman ng isang attachment mula sa Ops:
“Hi All,
Please see attached Roster for the week of 06 Sept 2009.”
Oo, Roster update na naman ng isang account na may headcount na 489. Ganun sila kadami. Ganun karami din ang i-a-update ko ang mga account profiles / team groupings. Siguro kulang ang kalahating araw para matapos ko ito. Naknampooch. Tinatamad pa naman ako. Pero kailangan kong matapos ito.
At siyempre, hindi naman tayo patatalo sa antok. Dinalaw ko ang teammate kong si Weng sa kabilang wing ng aming malawak na floor para maipagpag ang nagkukumapit na antok ko. Hindi naman ako nabigo, dahil ginising ako ng balita ni Weng na nag-announce na raw si Noynoy ng kanyang kandidatura sa pagka-Presidente. Anak ng teteng..
Hindi naman sa na-surprise ako kaya ako nagising sa balitang ito (dahil kahapon pa ng marinig ko sa balita ang balak niyang pag-aanunsyo), kundi dahil sa likod ng isipan ko (in English, at the back of my mind…hehe), ay umasa pa rin ako na hindi siya padadala sa mga kantyaw o sulsol ng mga taong nakapaligid sa kanya.
Pero ayun nga, opisyal na ang pagtakbo niya sa pagka-pangulo. At sa balitang iyan, hindi ko alam kung saan na patungo ngayon ang Pilipinas.
Wala naman akong political inclination, o partikular na kandidatong napipisil. Marahil ay hindi ako nag-iisa sa pakiramdam na kahit sino pa ang iupo sa Malacañang ay hindi na makaaahon pa ang ating bansa sa kahirapan hanggat hindi natutunaw ang kasakiman na nananalaytay sa dugo ng mga pulitikong may kanya-kanya o pansariling interes. Kahit ang pinakamatalinong Pilipino pa ang maging Presidente, o ang pinaka-respetadong Pulitiko, o ang pinaka-relihiyosong mamamayan ang iluklok bilang Pinuno ng ating bansa, hindi ko makita ang pag-unlad, hanggat nananatili tayong mahina laban sa tuksong kakambal na ng kapangyarihan at katanyagan ng pagiging isang Presidente.
Marami ang sumisigaw ng pagbabago. Dumating sa atin si Cory, pero hindi ko naramdaman ang pagbabagong inaasam-asam ko, maliban sa malinis na pamamalakad nya noong panahon nya. Transparent, walang korupsyon, at walang pag-aasam na i-extend ang kanyang termino. Pero bukod doon, ano pa ba ang nangyari sa Pilipinas? At pagkatapos noon, saan na nga ba tayo nakarating bilang isang bansang naghihikahos at naghuhumabol sa mga naglalakihang mga karatig bansa?
Ano ang kaseguruhan na si Noynoy ang sagot sa ating mga dasal? Ano ang maari nyang ibahagi para sa pag-unlad ng ating bansa?
Maaring maaga pa para husgahan sya. Pero malayong mahigitan nya o mapantayan man lang ang legacy ng kanyang mga magulang. Wala naman akong maisip na extra-ordinary na nagawa nya para manangan sa kahit pusikit na liwanag o pagasa ng isang magandang bukas. Hindi rin naman nangangahulugang dahil anak sya ng dating Senador at dating Presidente at nararapat na rin syang tumakbo bilang presidente. Tingnan nyo na lang si Gloria. Hindi ba’t nananalaytay din sa kanyang mga ugat ang dugo ng kanyang amang si Presidente Diosdado? Pero anong ginawa nya? Anong nangyari sa administrasyon nya?
Si Noynoy naman ang nahaharap sa parehong sitwasyon at mga pagsubok. Paano nya patutunayang iba sya kay Gloria, o sa mga dating diktador na nagpasasa sa yaman ng ating bansa? Paano nya isusulong ang ekonomiya ng isang bansang bugbog at lubog sa utang dahil sa pangungurakot ng mga naunang administrasyon sa kanya?
Magkahalong panghihinayang, lungkot at takot ang nararamdaman ko ngayon para sa kanya, at para sa ating mga kababayan. Isa itong sugal na bubunuin nya mula sa araw ng bola, hanggang sa oras na maubos ang lahat ng kanyang ipinuhunan dito.
Pero si Noynoy lang ba ang sumusugal dito? Ganyan naman ang karamihan sa atin. Mahilig tayong sumugal. Bigtime nga lang siguro kung tumaya ang mga pulitiko. Hindi biro ang ginagastos nila mula araw ng pangangampanya, hanggang sa araw ng bilangan ng balota. Kadalasan, ang may pinakamahabang pisi ang nananatili sa listahan ng mga kandidato. O dili kaya ay ang may pinaka-malakas na kapit o puwersa ang nananalo. Pero sumusugal pa rin sila, sa pagiisip na mababawi rin nila ang lahat ng ginastos nila o higit pa kapag naka-pwesto na sila. Pero hindi ba higit na malaki ang ating itinataya sa bawat botong ating isinusulat sa balota tuwing eleksyon?
Sa kabilang dako, kung gaano kaliit ang chance ni Juan na manalo sa lotto, suntok sa buwan din ang pagbabago sa kalagayan ng bansa at sa buhay ng bawat Pilipino. Yan ay habang ang bawat isa sa atin ay hindi natututo sa mga pagkakamali ng ating mga ninuno, mga dating pinuno at natin mismo bilang mamamayang Pilipino.
Sa tingin nyo, dapat pa nga ba tayong umasa sa iisang tao para magkaroon ng pagbabago sa ating buhay?
At ngayong tapos ko na ang pagsisiwalat ng mga makukulit kong ideya sa inyo, oras na para bumalik ako sa trabaho.
“Hi All,
Attrition and Roster now updated online.”
Dahil hindi ako naniniwalang may ibang gagawa ng trabaho ko maliban sa sarili ko, at lalong hindi ako naniniwala sa swerte kundi sa pagbabanat ng buto. Maging si Cory o si Ninoy o si Noynoy ang Presidente. Aangat ako kung pagsusumikapan ko. At kung lahat ng Pilipino ay maniniwala sa sarili nilang kakayahan na hindi umaasa sa sinumang pinuno, maaring may marating din tayo.
Yan ang hamon ko sa inyo.
This post was submitted by Happinay.





Reader’s Views